Ngayon ito ay nangyari na, na si Alma at ang kanyang mga tao sa kinagabihan ay sama-samang tinipon ang kanilang mga kawan, at ang kanila ring mga butil; oo, maging sa buong gabing iyon ay sama-samang tinipon nila ang kanilang mga kawan.
At kinaumagahan ay itinulot ng Panginoon na dumating ang isang mahimbing na pagkakatulog sa mga Lamanita, oo, at ang lahat ng kanilang mga tagapagbantay ay mahimbing na nakatulog.
At si Alma at ang kanyang mga tao ay lumisan patungo sa ilang; at nang sila ay nakapaglakbay na ng buong araw, sila ay nagtayo ng kanilang mga tolda sa lambak, at kanilang tinawag ang lambak na Alma, sapagkat siya ang nanguna sa kanilang daraanan sa ilang.
Oo, at ibinuhos nila ang kanilang pasasalamat sa Diyos sa lambak ng Alma dahil sa naging maawain siya sa kanila, at pinagaan ang kanilang mga pasanin, at pinalaya sila mula sa pagkaalipin; sapagkat nasa pagkaalipin sila, at walang makapagpapalaya sa kanila maliban sa Panginoon nilang Diyos. At nagbigay-pasalamat sila sa Diyos, oo, ang lahat ng kanilang kalalakihan at lahat ng kanilang kababaihan at lahat ng kanilang mga anak na nakapagsasalita ay itinaas ang kanilang mga tinig sa pagpupuri sa kanilang Diyos.
At ngayon sinabi ng Panginoon kay Alma:
Magmadali ka at lumisan ka at ang mga taong ito sa lupaing ito, sapagkat ang mga Lamanita ay nangagising na at tinutugis kayo; samakatwid lisanin mo ang lupaing ito, at pipigilin ko ang mga Lamanita sa lambak na ito upang hindi na sila makahabol pa sa mga taong ito.
At ito ay nangyari na, na nilisan nila ang lambak, at sila ay naglakbay patungo sa ilang.
At matapos silang manatili sa ilang ng labindalawang araw ay nakarating sila sa lupain ng Zarahemla; at tinanggap din sila nang may kagalakan ni haring Mosias.