Sapagkat masdan, ito ay nangyari na, na habang sila ay nasa lupain ng Helam, oo, sa lunsod ng Helam, habang nagbubungkal ng lupa sa palibot, masdan, isang hukbo ng mga Lamanita ang nasa mga hangganan ng lupain. Ngayon ito ay nangyari na, na ang mga kapatid ni Alma ay nagsipanakbuhan mula sa kanilang bukirin, at sama-samang tinipon ang kanilang sarili sa lunsod ng Helam; at labis silang natakot dahil sa paglitaw ng mga Lamanita.
Subalit humayo si Alma at tumindig sa gitna nila, at pinagpayuhan sila na hindi dapat matakot, kundi kanilang alalahanin ang Panginoon nilang Diyos at kanyang ililigtas sila. Anupa’t nabawasan ang kanilang pagkatakot, at nagsimulang magsumamo sa Panginoon na kanyang palambutin ang mga puso ng mga Lamanita, nang huwag silang kitlan ng buhay ng mga ito, at ang kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak.
At ito ay nangyari na, na pinalambot ng Panginoon ang mga puso ng mga Lamanita. At si Alma at ang kanyang mga kapatid ay humayo at isinuko ang kanilang sarili sa kanilang mga kamay;
At ito ay nangyari na, na ang mga Lamanita ay nangako kay Alma at sa kanyang mga kapatid, na kung kanilang ipakikita sa kanila ang daan patungo sa lupain ng Nephi ay ipagkakaloob nila sa kanila ang kanilang mga buhay at ang kanilang kalayaan.
Subalit matapos ipakita sa kanila ni Alma ang daan patungo sa lupain ng Nephi, ang mga Lamanita ay tumangging tumupad sa kanilang pangako; sa halip sila ay naglagay ng mga bantay sa palibot ng lupain ng Helam, doon kay Alma at sa kanyang mga kapatid.
...at inangkin ng mga Lamanita ang lupain ng Helam.