At ngayon ito ay nangyari na, na kapagdakang makuha ni Amalikeo ang kaharian ay sinimulan niyang pukawin ang mga puso ng mga Lamanita laban sa mga tao ni Nephi; oo, siya ay naghirang ng mga taong magsasalita sa mga Lamanita mula sa kanilang mga tore, laban sa mga Nephita.
At sa gayon niya pinukaw ang kanilang mga puso laban sa mga Nephita kung kaya’t sa pagtatapos ng ikalabingsiyam na taon ng panunungkulan ng mga hukom, siya na natupad ang kanyang mga balak hanggang sa ngayon, oo, na naging hari ng mga Lamanita, hinangad din niyang maghari sa lahat ng dako ng buong lupain, oo, at sa lahat ng tao na nasa lupain, sa mga Nephita at gayon din sa mga Lamanita.
Samakatwid naisakatuparan niya ang kanyang balak, sapagkat napatigas niya ang mga puso ng mga Lamanita at nabulag ang kanilang mga isipan, at napukaw sila sa pagkagalit, hanggang sa nakapangalap siya ng napakalaking hukbo upang humayo sa digmaan laban sa mga Nephita. Sapagkat nagtika siya, dahil sa kalakihan ng bilang ng kanyang mga tao, na gapiin ang mga Nephita at dalhin sila sa pagkaalipin.
At sa gayon siya naghirang ng mga punong kapitan sa mga Zoramita, sila na higit na nakakikilala sa lakas ng mga Nephita, at sa kanilang mga lugar ng dulugan, at sa mga pinakamahinang bahagi ng kanilang mga lunsod; anupa’t kanyang hinirang sila na maging mga punong kapitan ng kanyang mga hukbo.
At ito ay nangyari na, na nilisan nila ang kanilang kuta, at nagtungo sa lupain ng Zarahemla sa ilang.