At ang Anti-Cristong ito, na ang pangalan ay Korihor, (at ang batas ay walang panghahawakan sa kanya) ay nagsimulang mangaral sa mga tao na hindi magkakaroon ng isang Cristo. At alinsunod sa pamamaraang ito siya ay nangaral, sinasabing:
O kayong nakagapos sa ilalim ng isang hangal at walang kabuluhang pag-asa, bakit ninyo sinisingkawan ang inyong sarili ng mga bagay na hangal? Bakit kayo umaasa sa isang Cristo? Sapagkat walang taong makaaalam ng ano mang bagay na darating.
Masdan, ang mga bagay na ito na tinatawag ninyong mga propesiya, na sinasabi ninyong ipinapasa-pasa ng mga banal na propeta, masdan, ang mga ito ay hangal na kaugalian ng inyong mga ama. Paano ninyo nalalaman ang katiyakan ng mga ito? Masdan, hindi ninyo maaaring malaman ang mga bagay na hindi ninyo nakikita; anupa’t hindi ninyo maaaring malaman na magkakaroon ng isang Cristo.
Umaasa kayo at sinasabing nakikita ninyo ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan. Subalit masdan, ito ay likha ng isang isipang matinding nababalisa; at ang kaguluhang ito sa inyong mga isipan ay dumating dahil sa mga kaugalian ng inyong mga ama, na umakay sa inyo palayo tungo sa isang paniniwala ng mga bagay na hindi naman gayon.