At ito ay nangyari na, nang makapagsalita nang gayon si Jesus, muli niyang iginala ang kanyang mga paningin sa maraming tao, at namasdan na sila ay luhaan, at nakatitig sa kanya na waring kanilang hinihiling sa kanya na magtagal pa nang kaunti sa kanila. At kanyang sinabi sa kanila:
Masdan, ang aking sisidlan ay puspos ng pagkahabag sa inyo. Mayroon bang maykaramdaman sa inyo? Dalhin sila rito. Mayroon ba sa inyong pilay, o bulag, o lumpo, o baldado, o ketongin, o mga may dinaramdam, o yaong mga bingi, o yaong mga nahihirapan sa anumang dahilan? Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin, sapagkat ako ay nahahabag sa inyo; ang aking sisidlan ay puspos ng awa. Sapagkat nahihiwatigan ko na nais ninyong ipakita ko sa inyo ang ginawa ko sa inyong mga kapatid sa Jerusalem, sapagkat nakikita ko na sapat ang inyong pananampalataya upang kayo ay pagalingin ko.