At ngayon, masdan, nang maisip ko ito, hindi ko na naalaala pa ang aking mga pasakit; oo, hindi na ako sinaktan pa ng alaala ng aking mga kasalanan. At o, anong galak, at anong kagila-gilalas na liwanag ang namasdan ko; oo, ang kaluluwa ko’y napuspos ng kagalakan na kasingsidhi ng aking pasakit!
Oo, sinasabi ko sa iyo, anak ko, na walang ano mang bagay ang kasinghapdi at kasingpait ng aking mga pasakit. Oo, at muli sinasabi ko sa iyo, anak ko, na sa kabilang dako, walang ano mang bagay ang kasingganda at kasingtamis ng aking kagalakan.
Oo, inakala kong nakita ko, maging tulad ng nakita ng ating amang si Lehi, ang Diyos na nakaupo sa kanyang trono, napaliligiran ng di mabilang na lipumpon ng mga anghel, nasa ayos ng pag-awit at pagpupuri sa kanilang Diyos; oo, at ang aking kaluluwa ay nag-asam na maparoon. Subalit masdan, muling nanumbalik sa aking mga paa ang kanilang lakas, at tumayo ako sa aking mga paa, at ipinahayag sa mga tao na ako ay isinilang sa Diyos.