At ito ay nangyari na, na habang nanatili ang aking ama sa ilang ay nangusap siya sa amin, sinasabing:
Masdan, nanaginip ako ng isang panaginip; o, sa ibang salita, nakakita ako ng pangitain. At masdan, dahil sa nakita kong bagay, may dahilan ako upang magalak sa Panginoon dahil kay Nephi at gayon din kay Sam; sapagkat may dahilan ako upang mag-akala na sila, at marami rin sa kanilang mga binhi, ay maliligtas. Subalit masdan, Laman at Lemuel, labis akong natatakot dahil sa inyo; sapagkat masdan, inakala kong nakakita ako sa aking panaginip, ng isang madilim at mapanglaw na ilang.