At ngayon ito ay nangyari na, na simula sa panahong ito ay nagsimula nang magturo si Alma sa mga tao, at yaon ding mga kasama ni Alma sa panahong nagpakita sa kanila ang anghel, naglalakbay sa palibot ng buong lupain, naghahayag sa lahat ng tao ng mga bagay na kanilang narinig at nakita, at ipinangangaral ang salita ng Diyos sa labis na paghihirap, na labis na pinag-uusig ng yaong mga hindi naniniwala, na binabagabag ng marami sa kanila.
Subalit sa kabila ng lahat ng ito, sila ay nakapagbigay ng labis na kasiyahan sa simbahan, pinagtitibay ang kanilang pananampalataya, at pinapayuhan sila nang may mahabang pagtitiis at labis na paghihirap upang sundin ang mga kautusan ng Diyos.
At sila ay naglakbay sa lahat ng dako ng buong lupain ng Zarahemla, at sa lahat ng tao na nasa ilalim ng paghahari ni haring Mosias, buong sigasig na nagsusumikap na maisaayos ang lahat ng kapinsalaang kanilang nagawa sa simbahan, ipinagtatapat ang lahat ng kanilang kasalanan, at inihahayag ang lahat ng bagay na kanilang nakita, at ipinaliliwanag ang mga propesiya at banal na kasulatan sa lahat ng nagnanais na marinig ang mga ito. At sa gayon sila ay naging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa pagdadala ng marami sa kaalaman ng katotohanan, oo, sa kaalaman ng kanilang Manunubos.
At gaano sila pinagpala! Sapagkat sila ay naghayag ng kapayapaan; sila ay naghayag ng mabuting balita ng kabutihan; at kanilang sinabi sa mga tao na naghahari ang Panginoon.