At ito ay nangyari na, na ang mga Amalekita, dahil sa kanilang kawalan, ay labis na nagalit. At nang makitang hindi sila makapaghahangad ng paghihiganti sa mga Nephita, sinimulan nilang pukawin ang mga tao na magalit laban sa kanilang mga kapatid, ang mga tao ni Anti-Nephi-Lehi; anupa’t sila ay nagsimulang muli sa paglipol sa kanila. Ngayon, ang mga taong ito ay muling tumangging humawak ng kanilang mga sandata, at pinahintulutan ang kanilang sariling patayin alinsunod sa mga naisin ng kanilang mga kaaway.