At ito ay nangyari na, na sa ikalabing-isang taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi, sa ikalimang araw ng ikalawang buwan, nagkaroon ng labis na kapayapaan sa lupain ng Zarahemla, hindi nagkaroon ng mga digmaan ni alitan sa loob ng ilang taon, maging hanggang sa ikalimang araw ng ikalawang buwan sa ikalabing-isang taon, na nakarinig ng sigawan ng digmaan sa lahat ng dako ng lupain. Sapagkat masdan, ang mga hukbo ng mga Lamanita ay nakapasok sa may tagiliran ng ilang, patungo sa mga hangganan ng lupain, maging sa lunsod ng Ammonihas, at nagsimulang patayin ang mga tao at wasakin ang lunsod.
At masdan, ngayon ito ay nangyari na, na yaong mga Lamanita ay lalong nagalit dahil sa pinatay nila ang kanilang mga kapatid; kaya nga, sila ay sumumpa ng paghihiganti sa mga Nephita; at hindi na sila nagtangkang patayin pa ang mga tao ni Anti-Nephi-Lehi sa panahong yaon.
Sa halip dinala nila ang kanilang mga hukbo at nagtungo sa mga hangganan ng lupain ng Zarahemla, at sinalakay ang mga taong nasa lupain ng Ammonihas at nilipol sila. At pagkaraan niyon, sila ay nagkaroon ng maraming pakikidigma sa mga Nephita, kung saan sila ay naitaboy at napatay.