Ngayon, kailangang may agwat sa pagitan ng panahon ng kamatayan at sa panahon ng pagkabuhay na mag-uli. At ngayon, ako ay magtatanong kung ano ang mangyayari sa mga kaluluwa ng tao mula sa panahon ng kamatayan hanggang sa panahong itinakda para sa pagkabuhay na mag-uli? Ngayon, kung mayroon mang mahigit sa isang pagkakataong itinakda para sa mga tao na bumangon, ito ay hindi na mahalaga; sapagkat ang lahat ay hindi mamamatay nang sabay-sabay, at ito ay hindi na mahalaga; ang lahat ay isang araw sa Diyos, at ang panahon ay sa tao lamang sinusukat.
Samakatwid, may isang panahong itinakda sa mga tao na sila ay babangon mula sa patay; at may isang agwat sa pagitan ng panahon ng kamatayan at ng pagkabuhay na mag-uli. At ngayon, hinggil dito sa agwat ng panahon, kung ano ang mangyayari sa mga kaluluwa ng tao ang bagay na aking masigasig na itinanong sa Panginoon upang malaman; at ito ang bagay na aking nalalaman. At kapag dumating ang panahon na ang lahat ay babangon, at saka nila malalaman na ang Diyos ang nakaaalam sa lahat ng panahong itinakda sa tao.