At sila ay binigyang-sigla ng mga Zoramita at ng mga Amalekita, na kanilang mga punong kapitan at pinuno, at ni Zerahemnas, na kanilang punong kapitan, o kanilang punong pinuno at komandante; oo, sila ay lumaban na tila bagang mga dragon, at marami sa mga Nephita ang napatay ng kanilang mga kamay, oo, sapagkat kanilang hinataw sa dalawa ang marami sa kanilang baluti sa ulo, at kanilang tinuhog ang marami sa kanilang mga baluti sa dibdib, at pinagputul-putol din ang marami sa kanilang mga bisig; at sa gayon nanghataw ang mga Lamanita sa kanilang masidhing galit.
Gayon pa man, ang mga Nephita ay binigyang-sigla ng higit na mainam na dahilan, sapagkat hindi sila nakikipaglaban para sa kaharian ni kapangyarihan kundi sila ay nakikipaglaban para sa kanilang mga tahanan at kanilang mga kalayaan, kanilang mga asawa at kanilang mga anak, at ang lahat-lahat sa kanila, oo, para sa kanilang mga seremonya ng pagsamba at kanilang simbahan. At ginagawa nila yaong inaakalang tungkulin nila na utang nila sa kanilang Diyos; sapagkat sinabi ng Panginoon sa kanila, at gayon din sa kanilang mga ama, na:
Yaman din lamang na hindi kayo ang may kagagawan ng unang pagsalakay, ni ng pangalawa, hindi ninyo pahihintulutan ang inyong sarili na mapatay ng mga kamay ng inyong mga kaaway.
At muli, sinabi ng Panginoon na:
Ipagtatanggol ninyo ang inyong mga mag-anak maging hanggang sa pagdanak ng dugo.
Kaya nga sa dahilang ito nakikipaglaban ang mga Nephita sa mga Lamanita, upang ipagtanggol ang kanilang sarili, at kanilang mga mag-anak, at kanilang mga lupain, kanilang bayan, at kanilang mga karapatan, at kanilang relihiyon.