At hindi nagkaroon ng mga pagtatalo, maliban sa ilan na nagsimulang mangaral, nagsisikap na patunayan sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan na hindi na kailangan pang sundin ang mga batas ni Moises. Ngayon sa bagay na ito sila ay nagkamali, sapagkat hindi nauunawaan ang mga banal na kasulatan. Ngunit ito ay nangyari na, na di naglaon sila ay nagbalik-loob, at napaniwala sa kamalian na kanilang kinasadlakan, sapagkat ipinaalam sa kanila na ang mga batas ay hindi pa natutupad, at na ito ay kinakailangang matupad sa bawat kaliit-liitang bagay; oo, ang salita ay ipinahayag sa kanila na ito ay kinakailangang matupad; oo, na ang isang tuldok o kudlit ay hindi lilipas hanggang sa ito ay matupad na lahat; anupa’t sa taon ding ito, sila ay nadala sa kaalaman ng kanilang kamalian at ipinagtapat ang kanilang mga pagkakamali. At sa gayon lumipas ang ikasiyamnapu at dalawang taon, nagdadala ng masasayang balita sa mga tao dahil sa mga palatandaang nangyari na, alinsunod sa mga salita ng propesiya ng lahat ng banal na propeta.