At ito ay nangyari na, nang makita ni Nephi na ang mga tao ay nagsisi at nagpakumbaba ng kanilang sarili sa damit na magaspang, siya ay nagsumamong muli sa Panginoon, sinasabing:
O Panginoon, masdan nagsisisi na ang mga taong ito; at nilipol nila ang pangkat ni Gadianton mula sa kanila hanggang sa sila ay mapalis, at ikinubli ang kanilang mga lihim na plano sa ilalim ng lupa.
Ngayon, O Panginoon, dahil sa kanilang pagpapakumbabang ito maaari bang alisin ninyo ang inyong galit, at hayaan na ang inyong galit ay maglubag sa pagkalipol ng yaong masasamang tao na inyo nang nalipol.
O Panginoon, maaari bang alisin ninyo ang inyong galit, oo, ang inyong masidhing galit, at itulot na ang taggutom ay tumigil na sa lupaing ito.
O Panginoon, maaari bang pakinggan ninyo ako, at itulot na maganap ang alinsunod sa aking mga salita, at magpadala ng ulan sa ibabaw ng lupain, upang siya ay mamunga, at ang kanyang mga butil sa panahon ng tagsibol.
O Panginoon, pinakinggan ninyo ang aking mga salita nang sabihin kong, Magkaroon ng taggutom, upang ang salot ng espada ay matigil; at nalalaman ko na kayo, maging sa panahong ito, ay makikinig sa aking mga salita, sapagkat sinabi ninyo: Kung ang mga taong ito ay magsisisi patatawarin ko sila.
Oo, O Panginoon, at nakikita ninyo na sila ay nagsisi, dahil sa taggutom at sa salot at pagkalipol na sumapit sa kanila.
At ngayon, O Panginoon, maaari bang alisin ninyo ang inyong galit, at subuking muli kung sila ay maglilingkod sa inyo?
At kung magkagayon, O Panginoon, maaari ninyong pagpalain sila alinsunod sa inyong mga salita na inyong sinabi.