At ito ay nangyari na, na tumagal sa loob ng tatlong araw na walang liwanag na nakita; at nagkaroon ng matinding pagdadalamhati at hagulgol at pagtangis sa mga tao nang walang humpay; oo, matindi ang paghihinagpis ng mga tao, dahil sa kadiliman at malaking pagkawasak na sumapit sa kanila. At sa isang dako sila ay narinig na sumisigaw, sinasabing:
O kung kami ay nagsisi bago sumapit itong kasindak-sindak at kakila-kilabot na araw, disin sana ang aming mga kapatid ay naligtas, at sila ay hindi sana nasunog sa yaong dakilang lunsod ng Zarahemla.
At sa iba pang dako sila ay narinig na sumisigaw at nagdadalamhati, sinasabing:
O kung kami ay nagsisi bago sumapit itong kasindak-sindak at kakila-kilabot na araw, at hindi pinatay at binato ang mga propeta, at itinaboy sila; disin sana ang aming mga ina at aming magagandang anak na babae, at aming mga anak ay naligtas, at hindi natabunan sa yaong dakilang lunsod ng Moronihas.
At gayon ang hagulgulan ng mga tao, matindi at kakila-kilabot.