At nang sabihin niya ang mga salitang ito, masdan, ipinakita ng Panginoon ang kanyang sarili sa kanya, at sinabi:
Dahil sa nalalaman mo ang mga bagay na ito ay natubos ka na sa pagkahulog; anupa’t naibalik ka sa aking harapan; kaya nga ipinakikita ko ang aking sarili sa iyo. Masdan, ako ang siyang inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig upang tubusin ang aking mga tao.
Masdan, ako si Jesucristo. Ako ang Ama at ang Anak. Sa akin ang buong sangkatauhan ay magkakaroon ng buhay, at yaong walang hanggan, maging sila na maniniwala sa aking pangalan; at sila ay magiging aking mga anak na lalaki’t babae.
At kailanma’y hindi ko pa ipinakita ang aking sarili sa taong aking nilikha, sapagkat kailanma’y hindi pa naniwala ang tao sa akin na tulad mo. Nakikita mo bang nilikha ka alinsunod sa aking sariling wangis? Oo, maging ang lahat ng tao ay nilikha noong simula alinsunod sa aking sariling wangis.
Masdan, ang katawang ito, na iyong namamasdan ngayon, ang katawan ng aking espiritu; at ang tao ay nilikha ko alinsunod sa katawan ng aking espiritu; at maging tulad ng pagpapakita ko sa iyo sa espiritu ay magpapakita rin ako sa aking mga tao sa laman.