At ngayon, nang mapuna nila na ako ay nagsimulang malungkot sila ay natuwa sa kanilang mga puso, kung kaya nga’t sila ay nagsaya sa aking pagkalungkot, sinasabing:
Alam naming hindi mo kayang gumawa ng sasakyang-dagat, sapagkat alam naming kulang ka sa kaalaman, kaya nga, hindi mo kayang isagawa ang ganyang napakalaking gawain. At ikaw ay katulad ng ating ama, nalinlang ng mga hangal na guni-guni ng kanyang puso; oo, inakay niya tayo palabas ng lupain ng Jerusalem, at tayo ay gumala-gala sa ilang sa maraming taong ito; at ang ating kababaihan ay nagpapakahirap, kahit na sila ay may dinadala sa sinapupunan; at sila ay nagsilang ng mga anak sa ilang at nagdanas ng lahat ng hirap, maliban sa kamatayan; at mabuti pang sila ay nangamatay bago sila lumisan sa Jerusalem kaysa nagdanas ng mga kahirapang ito.
Masdan, sa maraming taong ito, tayo ay nagdusa sa ilang, sa panahong maaari sana nating natamasa ang ating mga ari-arian at ang lupaing ating mana; oo, at tayo sana ay naging maligaya. At alam namin na ang mga taong nasa lupain ng Jerusalem ay mabubuting tao; sapagkat kanilang sinunod ang mga batas at kahatulan ng Panginoon, at lahat ng kanyang kautusan, alinsunod sa mga batas ni Moises; kaya nga, alam namin na sila ay mabubuting tao; at hinatulan sila ng ating ama, at inilayo tayo sapagkat nakinig tayo sa kanyang mga salita; oo, at ang ating kapatid ay katulad niya.
At sa ganitong pamamaraan ng pananalita ang mga kapatid ko ay bumulung-bulong at dumaing laban sa amin.