At ito ay nangyari na, na napag-utusan ako ng Panginoon, kaya nga gumawa ako ng mga laminang yari sa inang mina upang maiukit ko sa mga yaon ang talaan ng aking mga tao.
At sa mga laminang aking ginawa ay iniukit ko ang talaan ng aking ama, at gayon din ang aming mga paglalakbay sa ilang, at ang mga propesiya ng aking ama; at gayon din iniukit ko sa mga yaon ang marami sa sarili kong mga propesiya.
At hindi ko nalalaman sa panahong iyon nang gawin ko ang mga yaon na uutusan ako ng Panginoong gawin ang mga laminang ito; anupa’t ang talaan ng aking ama, at ang talaangkanan ng kanyang mga ama, at ang malaking bahagi ng lahat ng nangyari sa amin sa ilang ay nauukit sa mga naunang lamina na aking sinabi; kaya nga, ang mga bagay na nangyari bago ko nagawa ang mga laminang ito ay, sa katunayan, higit na nababanggit sa mga naunang lamina.