At ito ay nangyari na, na lumuha ang Panginoon ng olibohan, at sinabi sa tagapagsilbi:
Ano pa ba ang magagawa ko para sa aking olibohan? Masdan, alam ko na lahat ng bunga ng olibohan, maliban sa mga ito, ay nangabulok. At ngayon, ang mga ito na noong una ay namunga ng mabuting bunga ay nangabulok din; at ngayon, ang lahat ng puno sa aking olibohan ay walang silbi maliban sa ito ay putulin at ihagis sa apoy. At masdan itong huli, na natuyo ang sanga, ay itinanim ko sa mainam na dako ng lupa; oo, maging sa yaong pinakamataba sa lahat ng dako ng lupa ng aking olibohan.
At namasdan mong akin ding pinutol ang yaong tumutubo sa dakong ito, upang maitanim ko ang punong ito bilang kapalit niyon. At namasdan mo na isang bahagi niyon ay namunga ng mabuting bunga, at ang isang bahagi niyon ay namunga ng ligaw na bunga; at dahil sa hindi ko pinutol ang mga sanga niyon at itinapon ang mga ito sa apoy, masdan, dinaig ng mga ito ang mabuting sanga kung kaya’t natuyot ito.
At ngayon, masdan, sa kabila ng lahat ng ating pangangalaga sa aking olibohan, ang mga puno niyon ay nangabulok, kung kaya’t walang ibinubungang mabuting bunga ang mga ito; at ang mga ito ang inasahan kong pangangalagaan, upang makapag-imbak ng bunga niyon para sa darating na panahon, para sa aking sarili.
Subalit masdan, naging katulad ang mga ito ng ligaw na punong olibo, at wala itong silbi, kundi putulin at ihagis sa apoy; at ikinalulungkot kong mawala sa akin ang mga yaon.
Subalit ano pa ba ang magagawa ko para sa aking olibohan? Naging mahina ba ang aking mga kamay, na hindi ko ito naalagaan? Hindi, aking inalagaan ito, at aking binungkal ang palibot nito, at aking pinungusan ito, at nilagyan ko ito ng pataba; at iniunat ko ang aking kamay halos buong maghapon, at papalapit na ang katapusan.
At ikinalulungkot ko na nararapat kong putulin ang lahat ng puno ng aking olibohan, at ihagis ang mga ito sa apoy upang ang mga yaon ay sunugin. Sino ang nagpabulok sa aking olibohan?