At masdan, aking nakita, sa panahon ni haring Benjamin, ang isang malubhang digmaan at labis na pagdanak ng dugo sa pagitan ng mga Nephita at ng mga Lamanita. Subalit masdan, ang mga Nephita ay nagkaroon ng malaking kalamangan sa kanila; oo, kung kaya’t naitaboy silang palabas ni haring Benjamin sa lupain ng Zarahemla.
At ngayon, hinggil sa haring Benjamin na ito—nagkaroon siya ng mga bahagyang alitan sa sarili niyang mga tao. At ito rin ay nangyari na, na sumalakay ang mga hukbo ng mga Lamanita sa lupain ng Nephi, upang makidigma sa kanyang mga tao.
Subalit masdan, kinalap ni haring Benjamin ang kanyang mga hukbo, at nilabanan niya sila; at lumaban siya sa lakas ng kanyang sariling bisig, sa pamamagitan ng espada ni Laban. At sa lakas ng Panginoon ay nakipaglaban sila sa kanilang mga kaaway, hanggang sa nakapatay sila ng libu-libong mga Lamanita. At ito ay nangyari na, na nakipaglaban sila sa mga Lamanita hanggang sa kanilang maitaboy sila palabas sa lahat ng lupaing kanilang mana.