At ito ay nangyari na, nang ikalawang araw nila sa bilangguan ay muli silang dinala sa harapan ng hari, at ang kanilang mga gapos ay kinalag; at tumayo sila sa harapan ng hari, at pinahintulutan sila, o sa lalong maliwanag, inutusang sagutin nila ang mga katanungang kanyang itatanong sa kanila. At sinabi niya sa kanila:
Masdan, ako si Limhi, ang anak ni Noe, na anak ni Zenif, na lumisan sa lupain ng Zarahemla upang manahin ang lupaing ito, na lupain ng kanilang mga ama, na ginawang hari sa pamamagitan ng tinig ng mga tao. At ngayon, nais kong malaman ang dahilan kung bakit nangahas kayong lumapit sa mga muog ng lunsod, nang ako na rin, ay kasama ng aking mga bantay sa labas ng pintuang-bayan? At ngayon, sa dahilang ito kung kaya’t kayo ay pinahintulutan kong mabuhay, upang matanong ko kayo, kung hindi ay ipinapatay ko na sana kayo sa aking mga bantay. Pinahihintulutan kayong makapagsalita.