Ngayon, pagkatapos na pagkatapos mabasa ni Ammon ang mga talaan, ang hari ay nagtanong sa kanya upang malaman kung siya ay makapagpapaliwanag ng mga wika, at sinabi ni Ammon sa kanya na hindi siya marunong. At sinabi ng hari sa kanya:
Dahil sa pagdadalamhating sanhi ng paghihirap ng aking mga tao, pinapangyari ko na apatnapu at tatlo ng aking mga tao ang maglakbay sa ilang, nang sa gayon ay baka sakaling matagpuan nila ang lupain ng Zarahemla, upang makapagsumamo kami sa aming mga kapatid na palayain kami mula sa pagkaalipin.
At naligaw sila sa ilang sa loob ng maraming araw, ngunit nagsumigasig sila, at hindi natagpuan ang lupain ng Zarahemla kundi bumalik sa lupaing ito, matapos maglakbay sa isang lupain sa gitna ng maraming tubig, matapos matagpuan ang isang lupaing natatabunan ng mga buto ng tao, at ng mga hayop, at natatabunan din ng mga guho ng bawat uri ng gusali, matapos matagpuan ang isang lupaing tinirahan ng mga taong kasindami ng mga hukbo ng Israel.
At bilang patunay na totoo ang kanilang sinabi sila ay nagdala ng dalawampu’t apat na lamina na puno ng mga ukit, at gawa ang mga ito sa lantay na ginto.
At masdan din, nagdala sila ng mga baluti sa dibdib, na malalaki, at gawa ang mga ito sa tanso at tumbaga, at mga walang sira. At muli, nagdala sila ng mga espada, ang mga puluhan niyon ay sira na, at ang mga talim niyon ay kinain na ng kalawang; at walang sinuman sa lupain ang makapagpaliwanag ng wika o ng mga ukit na nasa mga lamina. Kung kaya’t sinabi ko sa iyo:
‘Marunong ka bang magsalin?’
At sinasabi ko sa iyong muli:
‘May kilala ka bang marunong magsalin?’
Sapagkat nais kong maisalin sa aming wika ang mga talaang ito; sapagkat, baka sakali, ang mga ito ay makapagbigay sa amin ng kaalaman ng labi ng mga taong nalipol, kung saan ang mga talaang ito ay nanggaling; o, baka sakali, ang mga ito ay makapagbigay sa amin ng kaalaman ng tungkol na rin sa mga taong ito na nalipol; at nais kong malaman ang sanhi ng kanilang pagkalipol.