At ito ay nangyari na, na si haring Mosias ay nagpadala ng isang pahayag sa lahat ng dako ng lupain sa palibot na hindi dapat usigin ng kahit na sinong hindi naniniwala ang sinuman sa mga yaong kasapi sa simbahan ng Diyos.
At nagkaroon ng mahigpit na utos sa lahat ng simbahan na hindi dapat magkaroon ng mga pag-uusig sa kanila, na nararapat magkaroon ng pagkakapantay-pantay sa lahat ng tao; Na hindi nila nararapat hayaan ang kapalaluan ni ang pagkamapanghamak na gambalain ang kanilang kapayapaan; na dapat pahalagahan ng bawat tao ang kanyang kapwa tulad sa kanyang sarili, gumagawa sa pamamagitan ng sarili nilang mga kamay para sa kanilang panustos. Oo, at ang lahat ng kanilang mga saserdote at guro ay nararapat na gumawa sa pamamagitan ng sarili nilang mga kamay para sa kanilang panustos, sa lahat ng pagkakataon maliban sa karamdaman, o sa malaking pangangailangan; at sa paggawa ng mga bagay na ito, sila ay nanagana sa biyaya ng Diyos.