Ngayon ito ay nangyari na, na matapos magawa ng mga anak na lalaki ni Mosias ang lahat ng bagay na ito, sila ay nagsama ng maliit na bilang at nagbalik sa kanilang ama, ang hari, at hiniling sa kanya na kanyang pahintulutan sila, na sila, kasama ang mga yaong kanilang pinili ay umahon sa lupain ng Nephi, upang maipangaral nila ang mga bagay na kanilang narinig, at upang maibahagi nila ang salita ng Diyos sa kanilang mga kapatid, ang mga Lamanita—
Na baka sakaling kanilang madala sila sa kaalaman ng Panginoon nilang Diyos, at mapaniwala sila sa kasamaan ng kanilang mga ama; na baka sakaling malunasan nila ang kanilang kapootan sa mga Nephita, na sila rin ay madala upang magalak sa Panginoon nilang Diyos, upang sila ay maging magiliw sa isa’t isa, at upang hindi na muling magkaroon pa ng mga alitan sa lahat ng lupaing ibinigay sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.
Ngayon, sila ay nagnais na ipahayag ang kaligtasan sa bawat nilikha, sapagkat hindi nila maatim na ang sinumang kaluluwa ng tao ay masawi; oo, maging ang isipin lamang na ang sinumang kaluluwa ay magtiis ng walang hanggang pagdurusa ay naging dahilan upang sila ay mayanig at manginig.
At sa gayon ang Espiritu ng Panginoon ay kumilos sa kanila, sapagkat sila noon ang pinakamasama sa lahat ng makasalanan. At minarapat ng Panginoon sa kanyang walang hanggang awa na kaawaan sila; gayon pa man sila ay nagdusa sa labis na dalamhati ng kaluluwa dahil sa kanilang mga kasamaan, nagdurusa nang labis at natatakot na sila ay itakwil magpakailanman.
At ito ay nangyari na, na sila ay nagmakaawa sa kanilang ama ng maraming araw upang makaahon sila sa lupain ng Nephi.