Ngayon, ito ay naging isang malaking pagsubok sa mga yaong nanatiling matatag sa pananampalataya; gayon pa man, sila ay naging matatag at di natitinag sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, at kanilang binata nang may pagtitiis ang pag-uusig na ibinunton sa kanila. At kapag iniiwanan ng mga saserdote ang kanilang gawain upang ipahayag ang salita ng Diyos sa mga tao, ang mga tao rin ay iniiwanan ang kanilang mga gawain upang pakinggan ang salita ng Diyos.
At kapag ang mga saserdote ay naipahayag na sa kanila ang salita ng Diyos, silang lahat ay muling nagbabalik nang buong sigasig sa kanilang mga gawain; at ang saserdote, ay hindi pinahahalagahan ang kanyang sarili nang higit sa kanyang mga tagapakinig sapagkat ang mangangaral ay hindi nakahihigit kaysa sa tagapakinig, ni ang guro ay nakahihigit kaysa sa mag-aaral; at sa gayon silang lahat ay pantay-pantay, at silang lahat ay gumagawa, bawat tao ayon sa kanyang lakas.
At ibinahagi nila ang kanilang kabuhayan, bawat tao alinsunod sa kanyang taglay, sa mga maralita, at nangangailangan, at sa may karamdaman, at sa naghihirap; at hindi sila nagbibihis ng mamahaling kasuotan, gayon man, sila ay maaayos at kaakit-akit. At sa gayon itinatag ang mga gawain ng simbahan; at sa gayon sila nagsimulang magkaroong muli ng patuloy na kapayapaan, sa kabila ng lahat ng pag-uusig sa kanila.