Ang Ulat ni Lehi at ng kanyang asawang si Saria, at ng kanyang apat na anak na lalaki, na tinatawag sa mga pangalang (mula sa panganay) Laman, Lemuel, Sam, at Nephi. Ang Panginoon ay nagbabala kay Lehi na lisanin ang lupain ng Jerusalem, sapagkat nagpropesiya siya sa mga tao hinggil sa kanilang kasamaan at hinangad nilang kitlin ang kanyang buhay. Tatlong araw siyang naglakbay sa ilang kasama ang kanyang mag-anak. Isinama ni Nephi ang kanyang mga kapatid at bumalik sa lupain ng Jerusalem upang kunin ang talaan ng mga Judio. Ang ulat ng kanilang mga pagdurusa. Ipinagsama nila ang mga anak na babae ni Ismael upang maging mga asawa. Isinama nila ang kanilang mga mag-anak patungo sa ilang. Ang kanilang mga pagdurusa at paghihirap sa ilang. Ang mga kapatid ni Nephi ay naghimagsik laban sa kanya. Sila ay kanyang nilito, at gumawa ng isang sasakyang-dagat. Tinawag nila ang pangalan ng pook na Masagana. Sila ay tumawid sa malawak na tubig patungo sa lupang pangako, at sa dako pa roon. Ito ay ayon sa ulat ni Nephi; o sa ibang salita, ako, si Nephi, ang sumulat ng talaang ito.
Ako, si Nephi, na isinilang sa butihing mga magulang, samakatwid, ako ay naturuan ng lahat halos ng karunungan ng aking ama; at sa dahilang nakita ko ang maraming paghihirap sa paglipas ng aking mga araw, gayunman, sa labis na pagpapala ng Panginoon sa lahat ng aking mga araw; oo, sa pagkakaroon ng malaking kaalaman tungkol sa kabutihan at sa mga hiwaga ng Diyos, kaya nga gumawa ako ng isang talaan ng aking mga gawain noong aking mga araw.
Oo, ako ay gumawa ng isang talaan sa wika ng aking ama, na binubuo ng karunungan ng mga Judio at ng wika ng mga taga-Egipto. At nalalaman ko na ang talaang ginagawa ko ay totoo; at ginagawa ko ito sa pamamagitan ng sarili kong kamay; at ginagawa ko ito ayon sa aking kaalaman.