At ito ay nangyari na, na kinutya siya ng mga Judio dahil sa mga bagay na kanyang pinatotohanan sa kanila; sapagkat tunay na kanyang pinatotohanan ang kanilang mga kasamaan at kanilang mga karumal-dumal na gawain; at pinatotohanan niya na ang mga bagay na kanyang nakita at narinig, at gayon din ang mga bagay na kanyang nabasa sa aklat, ay maliwanag na ipinaaalam ang tungkol sa pagparito ng Mesiyas, at gayon din ang pagtubos sa sanlibutan.
At nang marinig ng mga Judio ang mga bagay na ito sila ay nagalit sa kanya; oo, maging tulad sa mga propeta noong unang panahon, na kanilang ipinagtabuyan, at binato, at pinatay; at kanila ring hinangad ang kanyang buhay, upang ito ay kanilang kitlin.
Datapwat masdan, ako, si Nephi, ay magpapatunay sa inyo na ang magiliw na awa ng Panginoon ay sumasalahat ng kanyang mga pinili, dahil sa kanilang pananampalataya, upang gawin silang malakas maging sa pagkakaroon ng kapangyarihang maligtas.