Ngayon, ito ang dahilan ng labis na paghihirap ni Alma, oo, at ng marami sa mga taong itinalaga ni Alma na maging mga guro, at saserdote, at elder ng simbahan; oo, marami sa kanila ang labis na nagdalamhati dahil sa kasamaang nakita nilang nagsimula sa kanilang mga tao.
Sapagkat nakita nila at napagmasdan sa labis na kalungkutan na ang mga tao ng simbahan ay nagsimulang iangat sa kapalaluan ng kanilang mga paningin, at inilagak ang kanilang mga puso sa mga kayamanan at sa mga walang kabuluhang bagay ng daigdig, kung kaya’t sila ay nagsimulang maging mapanlibak sa isa’t isa, at sinimulan nilang usigin yaong hindi naniniwala alinsunod sa kanilang sariling kagustuhan at kasiyahan.
At sa gayon, sa ikawalong taong ito ng panunungkulan ng mga hukom, nagsimulang magkaroon ng malaking alitan sa mga tao ng simbahan; oo, nagkaroon ng mga inggitan, at sigalutan, at masamang hangarin, at mga pag-uusig, at kapalaluan, maging hanggang sa mahigitan ang kapalaluan ng mga yaong hindi kabilang sa simbahan ng Diyos. At sa gayon nagtapos ang ikawalong taon ng panunungkulan ng mga hukom; at ang kasamaan ng simbahan ay isang malaking batong kinatitisuran ng mga yaong hindi kabilang sa simbahan; at sa gayon nagsimulang maantala ang simbahan sa pag-unlad nito.