Ngayon masdan, walang sinuman sa kanila maliban kung marami siyang mag-anak at maraming kaanak at kaibigan; kaya nga, ang kanilang mga lipi ay naging napakalaki. Ngayon, ang lahat ng ito ay naganap, at wala pang mga digmaan sa kanila; at ang lahat ng kasamaang ito ay sumapit sa mga tao dahil sa sila ay nagpasailalim sa kapangyarihan ni Satanas. At ang mga pamamalakad ng pamahalaan ay nawasak, dahil sa lihim na pakikipagsabwatan ng mga kaibigan at kaanak ng mga yaong pumaslang sa mga propeta.
At sila ay naging dahilan ng malaking alitan sa lupain, hanggang sa ang higit na mabubuting bahagi ng mga tao ay halos malapit nang maging masamang lahat; oo, may iilang mabubuting tao sa kanila. At sa gayon hindi pa nakalilipas ang anim na taon mula nang ang nakahihigit na bahagi ng mga tao ay tumalikod mula sa kanilang kabutihan, tulad ng aso sa kanyang suka, o tulad ng baboy sa kanyang paglulublob sa putik.