At ito ay nangyari na, na matapos na ang higit na kilalang bahagi ng mga Zoramita ay sama-samang nagsanggunian hinggil sa mga salitang ipinangaral sa kanila, sila ay nagalit dahil sa salita, sapagkat winasak nito ang kanilang katusuhan; anupa’t sila ay tumangging makinig sa mga salita. At sila ay nagpasabi at sama-samang tinipon ang lahat ng tao sa lahat ng dako ng buong lupain, at nakipagsanggunian sa kanila hinggil sa mga salitang sinabi.
Ngayon, ang kanilang mga tagapamahala at kanilang mga saserdote at kanilang mga guro ay hindi hinayaang malaman ng mga tao ang hinggil sa kanilang mga hangarin; samakatwid nalaman nila nang palihim ang mga iniisip ng lahat ng tao.
At ito ay nangyari na, na matapos nilang malaman ang mga iniisip ng lahat ng tao, na yaong mga sumasang-ayon sa mga salitang sinabi ni Alma at ng kanyang mga kapatid ay itinaboy palabas ng lupain; at sila ay marami; at sila ay nagtungo rin sa lupain ng Jerson. At ito ay nangyari na, na nangaral sa kanila si Alma at ang kanyang mga kapatid.