At sa gayon nagkaroon ng isang napakalaking digmaan; oo, maging isa na kailanma’y hindi pa nakita sa lahat ng tao sa lupain mula sa panahong nilisan ni Lehi ang Jerusalem; oo, at sampu-sampung libo sa mga Lamanita ang napatay at nagkalat sa paligid. Oo, at nagkaroon din ng napakalaking pagkatay sa mga tao ni Nephi; gayon pa man, ang mga Lamanita ay naitaboy at naikalat, at ang mga tao ni Nephi ay muling nagsibalik sa kanilang lupain.
At ito ang ulat ng mga digmaan at alitan sa mga Nephita, at gayon din ng mga digmaang namagitan sa mga Nephita at sa mga Lamanita; at ang ikalabinglimang taon ng panunungkulan ng mga hukom ay nagtapos. At sa unang taon hanggang sa ikalabinglima ay naganap ang pagkawasak ng maraming libu-libong buhay; oo, naganap ang isang kakila-kilabot na tagpo ng pagdanak ng dugo.
At ang mga katawan ng maraming libu-libo ay naibaon sa ilalim ng lupa, samantalang ang mga katawan ng marami pang libu-libo ay nangag-agnasan sa mga bunton sa ibabaw ng lupa; oo, at maraming libu-libo ang nagdalamhati sa pagkawala ng kanilang mga kaanak, sapagkat may dahilan silang matakot, alinsunod sa mga pangako ng Panginoon, na sila ay nakatalaga sa kalagayan ng walang katapusang kapighatian.