At ito ay nangyari na, na matapos mailibing ng mga Lamanita ang kanilang mga patay at ang mga patay rin ng mga Nephita, ay pinalakad sila pabalik sa lupaing Masagana; at si Tiankum, sa mga utos ni Moroni, ay nag-utos na magsimula silang gumawa sa paghuhukay ng mga bambang sa paligid ng lupain, o ng lunsod, ng Masagana.
At iniutos niya na magtayo sila ng muog na kahoy sa loob ng pampang ng bambang; at sila ay nagtambak ng lupa ng bambang sa muog na kahoy; at sa gayon nila pinagawa ang mga Lamanita hanggang sa mapaligiran nila ang lunsod ng Masagana ng matatag na muog na kahoy at lupa, nang napakataas.
At ang lunsod na ito ay naging napakatibay na muog mula noon; at sa lunsod na ito nila binantayan ang mga bihag na mga Lamanita; oo, maging sa loob ng muog na kanilang iniutos sa kanila na itayo sa pamamagitan ng kanilang sariling mga kamay. Ngayon, si Moroni ay napilitang utusan ang mga Lamanita na gumawa, dahil sa madali silang bantayan habang nasa kanilang gawain; at kailangan niya ang lahat ng kanyang lakas kapag siya ay gagawa ng pagsalakay sa mga Lamanita.