At sa gayon nakikita natin na nagsimulang manghina sa kawalang-paniniwala ang mga Nephita, at lumubha sa kasamaan at mga karumal-dumal na gawain, samantalang ang mga Lamanita ay nagsimulang umunlad nang labis sa kaalaman ng kanilang Diyos; oo, nagsimula nilang sundin ang kanyang mga batas at kautusan, at lumakad sa katotohanan at katwiran sa kanyang harapan. At sa gayon nakikita natin na ang Espiritu ng Panginoon ay nagsimulang lumayo mula sa mga Nephita, dahil sa kasamaan at katigasan ng kanilang mga puso. At sa gayon nakikita natin na nagsimulang ibuhos ng Panginoon ang kanyang Espiritu sa mga Lamanita, dahil sa kanilang kakayahan at pagnanais na maniwala sa kanyang mga salita.