At ito ay nangyari na, na si Laconeo ay naghirang ng mga punong kapitan sa lahat ng hukbo ng mga Nephita, upang pamunuan sila sa panahon ng pagsalakay ng mga tulisan mula sa ilang laban sa kanila. Ngayon, ang pinakapuno sa lahat ng punong kapitan at ang dakilang pinuno ng lahat ng hukbo ng mga Nephita ay hinirang, at ang kanyang pangalan ay Gidgiddoni.
Ngayon, kaugalian sa lahat ng Nephita na maghirang ng mga magiging punong kapitan nila, (maliban kung ito ay sa panahon ng kanilang kasamaan) ng sinumang nagtataglay ng diwa ng paghahayag at gayon din ng propesiya; anupa’t ang Gidgiddoni na ito ay dakilang propeta sa kanila, katulad din ng yaong punong hukom.