At ito ay nangyari na, na ang kapatid ni Jared,... ay humayo sa bundok, na kanilang tinawag na bundok Selem, dahil sa labis na taas nito, at tumunaw mula sa isang malaking bato ng labing-anim na maliliit na bato; at ang mga ito ay mapuputi at malilinaw, maging tulad ng nanganganinag na salamin; at dinala niya ang mga ito sa kanyang mga kamay sa itaas ng bundok, at muling nagsumamo sa Panginoon, sinasabing:
O Panginoon, sinabi ninyong palilibutan kami ng mga baha. Ngayon masdan, O Panginoon, at huwag magalit sa inyong tagapaglingkod dahil sa kanyang kahinaan sa inyong harapan; sapagkat nalalaman namin na kayo ay banal at naninirahan sa kalangitan, at na kami ay di karapat-dapat sa inyong harapan; dahil sa pagkahulog ng aming katauhan ay naging patuloy na masama; gayon pa man, O Panginoon, binigyan ninyo kami ng kautusan na kinakailangan kaming manawagan sa inyo, upang mula sa inyo ay makatanggap kami alinsunod sa aming mga naisin.
Masdan, O Panginoon, pinarusahan ninyo kami dahil sa aming kasamaan, at itinaboy kami, at sa loob ng maraming taong ito kami ay nasa ilang; gayon pa man, naging maawain kayo sa amin. O Panginoon, masdan ninyo ako nang may habag, at alisin ninyo ang inyong galit mula sa mga tao ninyong ito, at huwag pahintulutang humayo sila sa nagngangalit na kailaliman sa kadiliman; kundi masdan ang mga bagay na ito na aking tinunaw mula sa malaking bato.
At nalalaman ko, O Panginoon, na taglay ninyo ang lahat ng kapangyarihan, at magagawa ang anumang naisin ninyo para sa kapakanan ng tao; kaya nga hipuin ninyo ang mga batong ito, O Panginoon, ng inyong daliri, at ihanda ang mga ito upang ang mga ito ay kuminang sa kadiliman; at ang mga ito ay magbibigay-liwanag sa amin sa mga sasakyang-dagat na inihanda namin, upang kami ay magkaroon ng liwanag habang tumatawid kami sa dagat. Masdan, O Panginoon, magagawa ninyo ito. Nalalaman namin na kayo ay may kakayahang magpakita ng dakilang kapangyarihan, na tila maliit sa pang-unawa ng tao.