At ngayon ako, si Mormon, ay gumagawa ng talaan ng mga bagay na aking kapwa nakita at narinig, at tinawag itong ang Aklat ni Mormon. At sa panahong ikinubli ni Amaron ang mga talaan ayon sa Panginoon, siya ay nagtungo sa akin, (ako na noon ay mga sampung taong gulang lamang, at ako ay nagsimulang matuto kahit paano alinsunod sa pamamaraan ng pagkakatuto ng aking mga tao) at sinabi ni Amaron sa akin:
Nahihiwatigan ko na ikaw ay isang batang mahinahon, at mabilis magmasid; Kaya nga, kapag ikaw ay mga dalawampu at apat na taong gulang na ay nais kong iyong alalahanin ang mga bagay na iyong namasid hinggil sa mga taong ito; at kung ikaw ay nasa gayong gulang na ay magtungo ka sa lupain ng Antum, sa burol na tatawaging Shim; at doon ay inilagak ko ayon sa Panginoon ang lahat ng banal na ukit hinggil sa mga taong ito.
At masdan, iyong kukunin ang mga lamina ni Nephi sa iyong sarili, at ang nalalabi ay iiwanan mo sa pook kung saan naroroon ang mga yaon; at iyong iuukit sa mga lamina ni Nephi ang lahat ng bagay na iyong namasid hinggil sa mga taong ito.