Sapagkat aking natatandaan ang salita ng Diyos na nagsasabing sa pamamagitan ng kanilang mga gawa inyo silang makikilala; sapagkat kung ang kanilang mga gawa ay mabubuti, kung gayon, sila ay mabubuti rin.
Sapagkat masdan, winika ng Diyos na ang isang taong masama ay hindi maaaring gumawa ng yaong mabuti; sapagkat kung siya ay mag-aalay ng handog, o mananalangin sa Diyos, maliban kung ito ay gagawin niya nang may tunay na layunin, ito ay walang kapakinabangan sa kanya. Sapagkat masdan, ito ay hindi ibibilang sa kanya para sa kabutihan.
Sapagkat masdan, kung ang isang taong masama ay nagbibigay ng isang handog, ginagawa niya iyon nang laban sa kalooban; anupa’t ito ay ibinibilang sa kanya na parang nanatili pa rin sa kanya ang handog; kaya nga siya ay ibibilang na masama sa harapan ng Diyos. At gayon din, ibinibilang na masama sa isang tao, kung siya ay mananalangin at walang tunay na layunin sa puso; oo, at ito ay walang kapakinabangan sa kanya, sapagkat ang Diyos ay walang tinatanggap na gayon.
Anupa’t ang isang taong masama ay hindi makagagawa ng yaong mabuti; ni hindi siya makapagbibigay ng mabuting handog. Sapagkat masdan, ang mapait na bukal ay hindi makapagbibigay ng mabuting tubig; ni ang mabuting bukal ay makapagbibigay ng mapait na tubig; kaya nga, ang isang tao na tagapaglingkod ng diyablo ay hindi maaaring sumunod kay Cristo; at kung siya ay sumusunod kay Cristo, siya ay hindi maaaring maging isang tagapaglingkod ng diyablo.
Anupa’t lahat ng bagay na mabuti ay nagmumula sa Diyos; at yaong masama ay nagmumula sa diyablo; sapagkat ang diyablo ay kaaway ng Diyos, at patuloy na nakikipaglaban sa kanya, at nag-aanyaya at nang-aakit na magkasala, at patuloy na gawin ang yaong bagay na masama;
Ngunit masdan, yaong sa Diyos ay nag-aanyaya at nang-aakit na patuloy na gumawa ng mabuti; kaya nga, bawat bagay na nag-aanyaya at nang-aakit na gumawa ng mabuti, at ibigin ang Diyos, at maglingkod sa kanya ay pinapatnubayan ng Diyos.
Samakatwid, mag-ingat, mga minamahal kong kapatid, na huwag kayong humatol na yaong masama ay sa Diyos, o yaong mabuti at sa Diyos ay sa diyablo.
Sapagkat masdan, mga kapatid, ibinibigay sa inyo na humatol, upang malaman ninyo ang mabuti sa masama; at ang paraan ng paghahatol ay kasingliwanag, nang inyong malaman nang may ganap na kaalaman, ng liwanag ng araw mula sa kadiliman ng gabi.