At ito ay nangyari na, na sa ikalimampu at apat na taon ay nagkaroon ng maraming pagtatalo sa simbahan, at nagkaroon din ng alitan sa mga tao, hanggang sa magkaroon ng maraming pagdanak ng dugo. At ang mapaghimagsik na bahagi ay napatay at naitaboy palabas ng lupain, at sila ay nagsitungo sa hari ng mga Lamanita. At ito ay nangyari na, na sila ay nagsumigasig na pukawin ang mga Lamanita na makidigma laban sa mga Nephita; subalit masdan, ang mga Lamanita ay labis ang pagkatakot, kung kaya nga’t sila ay tumangging makinig sa mga salita ng mga yaong tumiwalag.
Subalit ito ay nangyari na, na sa ikalimampu at anim na taon ng panunungkulan ng mga hukom, na may mga tumiwalag sa mga Nephita na umahon sa mga Lamanita; at sila ay nagtagumpay kasama ang mga yaong iba sa pagpukaw sa kanila na magalit laban sa mga Nephita; at silang lahat ay naghanda para sa digmaan ng taong yaon.
At sa ikalimampu at pitong taon, sila ay sumalakay laban sa mga Nephita upang makidigma, at sinimulan nila ang gawa ng kamatayan; oo, kung kaya nga’t sa ikalimampu at walong taon ng panunungkulan ng mga hukom, sila ay nagtagumpay sa pag-angkin ng lupain ng Zarahemla; oo, at gayon din ng lahat ng lupain, maging ang lupaing malapit sa lupaing Masagana.
At ang mga Nephita at ang mga hukbo ni Moronihas ay naitaboy maging hanggang sa lupaing Masagana; At doon sila nagpalakas laban sa mga Lamanita, mula sa kanlurang dagat, maging hanggang sa silangan; ito na isang araw na paglalakbay para sa isang Nephita, sa hangganang pinalakas nila at inihimpil ang kanilang mga hukbo upang ipagtanggol ang kanilang hilagang bayan.
At sa gayon ang mga yaong tumiwalag sa mga Nephita, sa tulong ng napakalaking hukbo ng mga Lamanita, ay natamo ang lahat ng pag-aari ng mga Nephita na nasa lupaing patimog. At ang lahat ng ito ay naganap sa ikalimampu at walo at siyam na taon ng panunungkulan ng mga hukom.
At ito ay nangyari na, na sa ikaanimnapung taon ng panunungkulan ng mga hukom, si Moronihas ay nagtagumpay kasama ang kanyang mga hukbo sa pagbawi ng maraming bahagi ng lupain; oo, nabawi nila ang maraming lunsod na nahulog sa mga kamay ng mga Lamanita. At ito ay nangyari na, na sa ikaanimnapu at isang taon ng panunungkulan ng mga hukom na sila ay nagtagumpay sa pagbawi maging ang kalahati ng lahat ng kanilang mga pag-aari.