Ang Panahon ng Gadianton

Ang Paglaganap ng Kasamaan

3 Nephi 1:27–28

Ang mga puwersa ng Gadianton ay lumakas, tumatanggap ng marami pang mga Nephita at nagdudulot ng mga pagkawasak sa mga tao.

At ito ay nangyari na, na ang ikasiyamnapu at tatlong taon ay lumipas din sa kapayapaan, maliban doon sa mga tulisan ni Gadianton na naninirahan sa mga bundok, na namumugad sa lupain; sapagkat napakatibay ng kanilang mga kuta at kanilang mga lihim na lugar kung kaya’t ang mga tao ay hindi sila madaig; anupa’t sila ay nagsagawa ng maraming pagpaslang, at gumawa ng maraming pagkatay sa mga tao. At ito ay nangyari na, na sa ikasiyamnapu at apat na taon sila ay nagsimulang dumami sa napakalaking bilang, dahil sa maraming tumitiwalag sa mga Nephita na tumakas patungo sa kanila, na naging sanhi ng labis na kalungkutan doon sa mga Nephita na nanatili sa lupain.

3 Nephi 1:29–30

Ilang mga Lamanita ang tumiwalag at sumali sa mga pangkat ng mga Gadianton.

At nagkaroon din ng dahilan ng labis na kalungkutan sa mga Lamanita; sapagkat masdan, marami silang mga anak na lumaki at nagsimulang maging makapangyarihan sa paglipas ng mga taon, kung kaya’t sila ay nagbago sa kanilang sarili at naakay palayo ng ilan sa mga Zoramita sa pamamagitan ng kanilang pagsisinungaling at kanilang mahihibok na salita, na umanib sa mga yaong tulisan ni Gadianton. At sa gayon din nahirapan ang mga Lamanita, at nagsimulang manghina sa kanilang pananampalataya at kabutihan, dahil sa kasamaan ng sumisibol na salinlahi.

3 Nephi 2:1–2

Ang mga tao ay nagsimulang makalimot sa mga palatandaan at mga hiwaga na kanilang nakita, at bumalik sa kawalan ng paniniwala.

At ito ay nangyari na, na sa gayon din lumipas ang ikasiyamnapu at limang taon, at ang mga tao ay nagsimulang malimutan yaong mga palatandaan at kababalaghang kanilang narinig, at nagsimulang unti-unting hindi na nanggigilalas sa isang palatandaan o isang kababalaghan mula sa langit, hanggang sa sila ay magsimulang maging matitigas sa kanilang mga puso, at bulag sa kanilang mga pag-iisip, at nagsimulang hindi paniwalaan ang lahat ng narinig nila at nakita— Nag-aakala ng walang kabuluhang bagay sa kanilang mga puso, na ito ay gawa ng tao at ng kapangyarihan ng diyablo, upang maakay palayo at malinlang ang mga puso ng mga tao; at sa gayon muling naangkin ni Satanas ang mga puso ng mga tao, kung kaya nga’t nabulag niya ang kanilang mga mata at naakay silang palayo na maniwala na ang doktrina ni Cristo ay isang kahangalan at walang kabuluhang bagay.

3 Nephi 2:3–4

Ang kawalan ng paniniwala ang mag-aakay sa kanila sa kasamaan at panghihina sa moralidad.

At ito ay nangyari na, na ang mga tao ay nagsimulang maging malakas sa kasamaan at mga karumal-dumal na gawain; at hindi sila naniniwalang magkakaroon ng iba pang mga palatandaan o kababalaghang ipakikita; at si Satanas ay nagpalibut-libot, inaakay palayo ang mga puso ng mga tao, tinutukso sila at inuudyukan silang gumawa ng labis na kasamaan sa lupain. At sa gayon lumipas ang ikasiyamnapu at anim na taon; at gayon din ang ikasiyamnapu at pitong taon; at gayon din ang ikasiyamnapu at walong taon; at gayon din ang ikasiyamnapu at siyam na taon;

3 Nephi 2:5–8

609 na taon ang lumipas mula nang si Lehi ay lumisan sa Jerusalem.

At isandaang taon din ang lumipas mula noong mga araw ni Mosias, na naging hari sa mga tao ng mga Nephita. At anim na raan at siyam na taon na ang lumipas mula nang lisanin ni Lehi ang Jerusalem. At siyam na taon na ang lumipas mula sa panahong nakita ang palatandaan, na sinabi ng mga propeta, na si Cristo ay paparito sa daigdig. Ngayon, ang mga Nephita ay nagsimulang bilangin ang kanilang oras mula sa panahong ito nang ang palatandaan ay makita, o mula sa pagparito ni Cristo; anupa’t siyam na taon na ang lumipas.