Ang Panahon ng Gadianton

Ang Panghihinang Moral ng mga Nephita

3 Nephi 6:10–13

Ang industriya at pag-unlad ay nagdala sa ilang mga Nephita na maging palalo, at ang mga tunay na naniniwala ay inusig.

Subalit ito ay nangyari na, na sa ikadalawampu at siyam na taon ay nagsimulang magkaroon ng ilang pagtatalu-talo sa mga tao; at ang ilan ay iniangat sa kapalaluan at mga pagmamalaki dahil sa labis-labis nilang kayamanan, oo, maging hanggang sa masidhing pag-uusig; Sapagkat marami ang mangangalakal sa lupain, at marami ring manananggol, at maraming pinuno.

At ang mga tao ay nagsimulang makilala sa pamamagitan ng mga katayuan sa buhay, alinsunod sa kanilang yaman at kanilang mga pagkakataon sa karunungan; oo, ang iba ay mangmang dahil sa kanilang kahirapan, at ang iba ay nakatanggap ng malawak na karunungan dahil sa kanilang kayamanan.

Ang ilan ay iniangat sa kapalaluan, at ang iba ay labis ang pagkamababang-loob; ang iba ay nagdadaingan, habang ang iba ay tumatanggap ng daing at pag-uusig at lahat ng uri ng paghihirap, at hindi gaganti at muling hahamak pa, kundi naging mapagkumbaba at nagsisisi sa harapan ng Diyos.

3 Nephi 6:14

Ang simbahan muli ay nagsimulang manghina, at tanging mga piling kakaunti lamang ang nanatiling matapat.

At sa gayon nagkaroon ng malawakang di pagkakapantay-pantay sa buong lupain, hanggang sa nagsimulang mahati ang simbahan; oo, hanggang sa nang sumapit ang ikatatlumpung taon ay nahati ang simbahan sa buong lupain maliban sa ilan-ilan sa mga Lamanita na nagbalik-loob sa totoong pananampalataya; at ayaw nilang iwanan ito, sapagkat sila ay matitibay, at matatatag, at di matitinag, bukal sa loob nang may buong pagsusumigasig sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon.

3 Nephi 6:15–16

Si Satanas ang dahilan ng panghihinang moral ng mga Nephita.

Ngayon, ang dahilan ng kasamaang ito ng mga tao ay ito—Si Satanas ay may malakas na kapangyarihan, sa pag-uudyok sa mga tao na gumawa ng lahat ng uri ng kasamaan, at sa pag-aangat sa kanila sa kapalaluan, tinutukso sila na maghangad ng kapangyarihan, at karapatan, at mga kayamanan, at ng mga walang kabuluhang bagay ng daigdig. At sa gayon inakay palayo ni Satanas ang mga puso ng mga tao na gumawa ng lahat ng uri ng kasamaan; kaya nga, sila ay nakatamasa ng kapayapaan sa loob ng iilang taon.