Ang Pagsipi ni Nephi sa Isaias

Ang Mga Pagsubok sa Hinaharap Para sa Juda

2 Nephi 17:18–20

Ang Panginoon ay magtatawag ng peste at salot sa Juda.

At ito ay mangyayari na sa araw na yaon ay sisipol ang Panginoon sa langaw na nasa dulo ng mga ilog ng Egipto, at sa bubuyog na nasa lupain ng Asiria. At darating sila, at silang lahat ay mangagpapahinga sa mga gibang lambak, at sa mga bitak ng malalaking bato, at sa lahat ng tinikan, at sa lahat ng sukal.

Sa araw ding iyon ay aahitin ng Panginoon sa pamamagitan ng isang labahang upahan, sa pamamagitan nila na nasa kabila ng ilog, sa pamamagitan ng hari ng Asiria, ang ulo, at ang balahibo ng mga paa; at aalisin nito ang balbas.

2 Nephi 17:21–25

Ang lupain ay maiiwang mapanglaw.

At ito ay mangyayari na sa araw na yaon, ang isang tao ay mag-aalaga ng isang guya at dalawang tupa; At ito ay mangyayari, sapagkat sa dami ng gatas na kanilang ibibigay ay kakain siya ng mantikilya; dahil sa mantikilya at pulot ang kakainin ng lahat ng matitira sa lupain. At ito ay mangyayari na sa araw na yaon, ang bawat pook na kinaroroonan ng isanlibong puno ng ubas na nagkakahalaga ng isanlibong siklong pilak ay magiging dawagan at tinikan.

Darating ang mga tao rito na may mga palaso at busog, dahil ang buong lupain ay magiging dawagan at tinikan. At ang lahat ng burol na huhukayin sa pamamagitan ng asarol, hindi mo paroroonan dahil sa takot sa mga dawagan at tinikan; kaya’t ito ay magiging pastulan ng mga baka, at pagyayapakan ng mga mababang uri ng hayop.