At kung hindi lamang kinakailangang magsalita ako sa inyo hinggil sa higit na mabigat na kasalanan, labis na magsasaya ang aking puso dahil sa inyo. Subalit pinahihirapan ako ng salita ng Diyos dahil sa higit na mabibigat ninyong kasalanan. Sapagkat masdan, ganito ang wika ng Panginoon:
Ang mga taong ito ay nagsisimulang mabuhay sa kasalanan; hindi nila nauunawaan ang mga banal na kasulatan, sapagkat hinahangad nilang pangatwiranan ang kanilang sarili sa paggawa ng mga pagpapatutot, dahil sa mga bagay na nasusulat hinggil kay David, at kay Solomon na kanyang anak.
Masdan, tunay na sina David at Solomon ay maraming asawa at kalunya, kung aling bagay ay karumal-dumal sa aking harapan, wika ng Panginoon.
Anupa’t ganito ang wika ng Panginoon, inakay ko ang mga taong ito palabas ng lupain ng Jerusalem, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking bisig, upang makapagbangon ako ng isang mabuting sanga mula sa bunga ng balakang ni Jose. Kaya nga, ako ang Panginoong Diyos ay hindi pahihintulutan ang mga taong ito na gawin ang tulad ng ginawa nila noon.
Kung gayon, aking mga kapatid, makinig sa akin, at makinig sa mga salita ng Panginoon: Sapagkat walang sino mang lalaki sa inyo ang magkakaroon maliban sa isang asawa; at hindi siya magkakaroon ng mga kalunya; Sapagkat ako, ang Panginoong Diyos, ay nalulugod sa kalinisang puri ng mga babae.
At ang pagpapatutot ay karumal-dumal sa aking harapan; ganito ang wika ng Panginoon ng mga Hukbo. Samakatwid, susundin ng mga taong ito ang aking mga kautusan, wika ng Panginoon ng mga Hukbo, o susumpain ang lupain dahil sa kanila.
Sapagkat kung loloobin ko, wika ng Panginoon ng mga Hukbo, na magbangon ng mga binhi sa akin, ay uutusan ko ang aking mga tao; kung hindi ay makikinig sila sa mga bagay na ito.
Sapagkat masdan, ako, ang Panginoon, ay nakita ang kalungkutan, at narinig ang pagdadalamhati ng mga anak na babae ng aking mga tao sa lupain ng Jerusalem, oo, at sa lahat ng lupain ng aking mga tao, dahil sa kasamaan at mga karumal-dumal na gawain ng kanilang mga asawa.
At hindi ko pahihintulutan, wika ng Panginoon ng mga Hukbo, na ang panangis ng mga kaaya-ayang anak na babae ng mga taong ito, na aking inakay palabas ng lupain ng Jerusalem, ay makarating sa akin laban sa kalalakihan ng aking mga tao, wika ng Panginoon ng mga Hukbo. Sapagkat hindi nila madadalang bihag ang mga anak na babae ng aking mga tao dahil sa sila ay mapagmahal, kundi ay akin silang parurusahan ng masidhing sumpa, maging hanggang sa pagkalipol; sapagkat hindi sila gagawa ng pagpapatutot, tulad nila noon, wika ng Panginoon ng mga Hukbo.
At ngayon, masdan, aking mga kapatid, nalalaman ninyo na ang mga kautusang ito ay ibinigay sa ating ama, si Lehi; kaya nga, alam na ninyo ang mga yaon noong una pa; at nakarating kayo sa masidhing sumpa; sapagkat ginawa ninyo ang mga bagay na ito na hindi ninyo dapat ginawa.
Masdan, nakagawa kayo ng higit na kasamaan kaysa sa mga Lamanita, na ating mga kapatid. Sinaktan ninyo ang mga puso ng inyong mga mapagmahal na asawa, at nawala ang tiwala ng inyong mga anak, dahil sa inyong masasamang halimbawa sa kanila; at ang mga hinaing ng kanilang mga puso ay nakararating sa Diyos laban sa inyo. At dahil sa kahigpitan ng salita ng Diyos, na tumutuligsa sa inyo, maraming puso ang namatay, nasugatan nang malalim.