Ang Talumpati ni Jacob sa Templo

Ang Kapalaluan at Kayamanan

Jacob 2:12–14

Huwag ipagmamayabang ang kayamanan sa harap ng inyong kapwa.

At ngayon masdan, aking mga kapatid, ito ang salitang ipahahayag ko sa inyo, na marami sa inyo ang nagsisimulang maghanap ng ginto, at ng pilak, at lahat ng uri ng mahahalagang inang mina, kung saan ang lupaing ito, na isang lupang pangako sa inyo at sa inyong mga binhi, ay lubhang sagana.

At ang mapagpalang kamay ay buong kasiyahang nginitian kayo, kung kaya’t nakatanggap kayo ng maraming kayamanan; at dahil ang ilan sa inyo ay nagtamo nang higit na marami kaysa sa inyong mga kapatid, kayo ay iniangat sa kapalaluan ng inyong mga puso, at nagpapatigas ng inyong mga leeg at nagtataas ng mga ulo dahil sa kamahalan ng inyong pananamit, at hinahamak ang inyong mga kapatid sapagkat inaakala ninyo na kayo ay nakahihigit kaysa sa kanila.

At ngayon, aking mga kapatid, sa akala ba ninyo ang Diyos ay pawawalang-sala kayo sa bagay na ito? Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi. Kundi isinusumpa niya kayo, at kung kayo ay magpupumilit sa mga bagay na ito, ang kanyang mga paghahatol ay tiyak na madaling sasapit sa inyo.

Jacob 2:15–16

Alalahanin ang pangangailangan ng sangkatauhan na maging mapagpakumbaba.

O kung kanyang ipakikita sa inyo na kaya niya kayong duruin, at sa isang sulyap ng kanyang mata ay maaari niya kayong bagabagin hanggang sa maging alabok! O kung kanyang pawawalan kayo mula sa kasamaang ito at karumal-dumal na gawain. At, O kung makikinig kayo sa salita na kanyang ipinag-uutos, at huwag hayaang wasakin ng inyong mapagpalalong puso ang inyong mga kaluluwa!

Jacob 2:17–19

Bago maghanap ng kayamanan, hanapin muna ang kaharian ng Diyos.

Ituring ang inyong mga kapatid nang tulad sa inyong sarili, at maging malapit sa lahat at mapagbigay sa inyong pag-aari, upang yumaman silang tulad ninyo. Subalit bago kayo maghanap ng mga kayamanan, hanapin muna ninyo ang kaharian ng Diyos.

At matapos kayong makatamo ng pag-asa kay Cristo kayo ay makatatamo ng mga kayamanan, kung inyo itong hahanapin; at hahanapin ninyo ito para sa hangaring gumawa ng kabutihan—upang damitan ang hubad, at pakainin ang nagugutom, at palayain ang bihag, at bigyang-ginhawa ang may karamdaman, at ang naghihirap.

Jacob 2:20–22

Ang kapalaluan ay walang lugar sa mga tao ng Diyos.

At ngayon, aking mga kapatid, nagsalita ako sa inyo hinggil sa kapalaluan; at ang ilan sa inyo na nagpahirap sa inyong kapwa, at hinamak siya dahil sa kapalaluan ng inyong puso, sa mga bagay na ibinigay sa inyo ng Diyos, ano ang masasabi ninyo rito?

Hindi ba ninyo ipinalalagay na ang mga gayong bagay ay karumal-dumal sa kanya na lumikha sa lahat ng tao? At ang bawat nilikha ay magkakasinghalaga sa kanyang paningin. At ang lahat ng tao ay mula sa alabok; at sa gayon ding layunin kanya silang nilikha, na dapat nilang sundin ang kanyang mga kautusan at papurihan siya magpakailanman. At ngayon tinatapos ko ang aking sinasabi sa inyo hinggil sa kapalaluang ito.