Ang Talumpati ni Jacob sa Templo

Mga Salita Para sa Dalisay

Jacob 3:1–2

Sila na mga biktima ay kinakailangang maging matatag sa pananampalataya.

Subalit masdan, ako, si Jacob, ay magsasalita sa inyo na may mga pusong dalisay. Umasa sa Diyos nang may katatagan ng pag-iisip, at manalangin sa kanya nang may labis na pananampalataya, at kanya kayong aaluin sa inyong mga paghihirap, at kanyang isasamo ang inyong kapakanan, at magpapataw ng katarungan sa mga yaong naghahangad ng inyong pagkalipol.

O kayong lahat na may dalisay na puso, itaas ninyo ang inyong mga ulo at tanggapin ang kasiya-siyang salita ng Diyos, at magpakabusog sa kanyang pagmamahal; sapagkat maaari ninyong gawin ito, kung matatag ang inyong mga isipan, magpakailanman.

Jacob 3:3–4

Yaong may kasalanan ay dadalhin sa hukuman kung hindi sila magsisisi.

Subalit sa aba, sa aba, sa inyo na hindi mga dalisay ang puso, na sa ngayon ay marurumi sa harapan ng Diyos; sapagkat maliban kung magsisipagsisi kayo ang lupain ay masusumpa dahil sa inyo; at ang mga Lamanita, na hindi maruruming tulad ninyo, gayon pa man sila ay isinumpa ng masidhing sumpa, ay pahihirapan kayo maging tungo sa pagkalipol. At madaling darating ang panahon, na maliban kung magsisipagsisi kayo, ay aangkinin nila ang lupaing inyong pamana, at aakaying palayo ng Panginoong Diyos ang mabubuti mula sa inyo.