At katotohanang sinasabi ko sa inyo, magbibigay ako sa inyo ng palatandaan, upang malaman ninyo ang panahon kung kailan ang mga bagay na ito ay malapit nang maganap—na aking titipunin, mula sa matagal na nilang pagkakakalat, ang aking mga tao, O sambahayan ni Israel, at muling itatatag sa kanila ang aking Sion;
At masdan, ito ang bagay na ibibigay ko sa inyo bilang palatandaan—sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo na kung ang mga bagay na ito na ipinahahayag ko sa inyo, at ipahahayag ng aking sarili pagkatapos nito, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na ibibigay sa inyo ng Ama, ay ipaaalam sa mga Gentil nang kanilang malaman ang hinggil sa mga taong ito na mga labi ng sambahayan ni Jacob, at hinggil sa aking mga taong ito na ikakalat nila;
Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kapag ang mga bagay na ito ay ipinaalam sa kanila ng Ama, at magmula sa Ama, mula sa kanila hanggang sa inyo; Sapagkat karunungan ng Ama na sila ay maitatag sa lupaing ito, at matayo bilang malalayang tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Ama, upang ang mga bagay na ito ay makarating mula sa kanila patungo sa labi ng inyong mga binhi, upang ang tipan ng Ama ay matupad na kanyang ipinakipagtipan sa kanyang mga tao, O sambahayan ni Israel;
Samakatwid, kapag ang mga gawaing ito at ang mga gawaing gagawin sa inyo pagkatapos nito ay magmumula sa mga Gentil, hanggang sa inyong mga binhi na manghihina sa kawalang-paniniwala dahil sa kasamaan; Sapagkat sa gayon minarapat ng Ama na ito ay magmula sa mga Gentil, upang maipakita niya ang kanyang kapangyarihan sa mga Gentil, sa layuning ang mga Gentil, kung hindi nila patitigasin ang kanilang mga puso, na sila ay magsisi at lumapit sa akin at mabinyagan sa aking pangalan at malaman ang mga tunay na paksa ng aking doktrina, na sila ay mapabilang sa aking mga tao, O sambahayan ni Israel;
At kapag ang mga bagay na ito ay mangyari na, ang iyong mga binhi ay magsisimulang malaman ang mga bagay na ito—ito ay magiging palatandaan sa kanila, upang kanilang malaman na ang gawain ng Ama ay nagsimula na tungo sa pagtupad ng tipang kanyang ginawa sa mga tao na kabilang sa sambahayan ni Israel.
At kapag dumating ang araw na iyon, ito ay mangyayari na ang mga hari ay magtitikom ng kanilang mga bibig; sapagkat yaong hindi sinabi sa kanila ay makikita nila; at yaong hindi nila kailanman narinig ay isasaalang-alang nila. Sapagkat sa araw na yaon, para sa aking kapakanan ang Ama ay gagawa ng isang gawain, na magiging dakila at kagila-gilalas na gawa sa kanila; at sa kanila ay may mga yaong hindi paniniwalaan ito, bagama’t isang tao ang magpapahayag nito sa kanila.
Ngunit masdan, ang buhay ng aking tagapaglingkod ay nasa aking kamay; anupa’t hindi nila masasaktan siya, bagama’t siya ay mapipinsala dahil sa kanila. Gayunman, akin siyang pagagalingin, sapagkat ipakikita ko sa kanila na ang aking karunungan ay higit na dakila kaysa sa katusuhan ng diyablo.