At sa ganoon mangyayari yaong nasusulat:
Gumising, gumising na muli, at isuot mo ang iyong kalakasan, O Sion;
isuot ang iyong magagandang kasuotan, O Jerusalem, ang banal na lunsod,
sapagkat mula ngayon, wala nang papasok sa iyo
na hindi tuli at ang marumi.
Pagpagin mo ang sarili mula sa alabok;
bumangon, umupo, O Jerusalem;
kalagan ang sarili mula sa mga tali sa iyong leeg,
O bihag na anak na babae ng Sion.
Sapagkat ganito ang wika ng Panginoon,
ipinagbili ninyo ang inyong sarili sa wala,
at kayo ay tutubusin nang walang salapi.
Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo,
ang aking pangalan ay malalaman ng aking mga tao,
oo, sa araw na yaon ay malalaman nila na ako yaong nagsasalita.
At pagkatapos kanilang sasabihin:
Anong ganda sa mga bundok
ang mga paa niyong nagdadala ng mabubuting balita sa kanila,
na naghahayag ng kapayapaan;
na nangagdadala ng mabubuting balita ng kabutihan sa kanila,
na naghahayag ng kaligtasan; na nagsasabi sa Sion:‘Ang iyong Diyos ay naghahari!’
At pagkatapos isang sigaw ang papailanglang:
Lumisan kayo, lumisan kayo, magsilabas kayo diyan,
huwag kayong humipo ng bagay na marumi;
lumabas kayo sa gitna niya;
maging malinis kayo na nagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon.
Sapagkat hindi kayo lalabas na nagmamadali ni aalis nang patakas;
sapagkat ang Panginoon ay mauuna sa inyo,
at ang Diyos ng Israel ang inyong magiging bantay sa likod.
Masdan, ang aking tagapaglingkod ay makikitungo nang may karunungan;
siya ay dadakilain at pupurihing maigi at magiging napakataas.
Kasindami ng nanggilalas sa inyo—
ang kanyang mukha ay nasira, higit kaysa sa kanino mang lalaki,
at ang kanyang anyo ay higit kaysa sa mga anak ng tao—
Kung kaya siya ay magwiwisik sa maraming bansa;
ang mga hari ay magtitikom ng kanilang bibig sa kanya,
sapagkat yaong hindi sinabi sa kanila ay makikita nila;
at yaong hindi nila kailanman narinig ay isasaalang-alang nila.
Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng bagay na ito ay tiyak na darating, maging ang iniutos ng Ama sa akin. Pagkatapos, ang tipang ito na ipinakipagtipan ng Ama sa kanyang mga tao ay matutupad; at pagkatapos, ang Jerusalem ay muling pananahanan ng aking mga tao, at ito ang magiging lupaing kanilang mana.