At ngayon, ako ay nangungusap sa lahat ng nasa mga dulo ng mundo—na kung dumating ang araw na ang kapangyarihan at mga kaloob ng Diyos ay matigil sa inyo, ito ay dahil sa kawalang-paniniwala. At sa aba sa mga anak ng tao kung ganito ang mangyayari; sapagkat walang gumagawa ng kabutihan sa inyo, wala ni isa. Sapagkat kung may isa sa inyo na gumagawa ng kabutihan, siya ay gagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan at mga kaloob ng Diyos.
At sa aba nila na magpapatigil sa mga bagay na ito at mamamatay, sapagkat sila ay mamamatay sa kanilang mga kasalanan, at hindi sila maliligtas sa kaharian ng Diyos; at sinasabi ko ito alinsunod sa mga salita ni Cristo; at ako ay hindi nagsisinungaling.
At pinapayuhan ko kayo na alalahanin ang mga bagay na ito; sapagkat ang panahon ay mabilis na darating na malalaman ninyo na hindi ako nagsisinungaling, sapagkat makikita ninyo ako sa hukuman ng Diyos; at sasabihin sa inyo ng Panginoong Diyos:
Hindi ba’t ipinahayag ko ang aking mga salita sa inyo,
na isinulat ng taong ito,
katulad ng isang sumisigaw mula sa mga patay,
oo, maging katulad ng isang nangungusap mula sa alabok?
Ipinahahayag ko ang mga bagay na ito tungo sa katuparan ng mga propesiya. At masdan, yaon ay mamumutawi sa bibig ng Diyos na Walang Hanggan; at ang kanyang salita ay titimo mula sa bawat sali’t salinlahi. At patutunayan ng Diyos sa inyo na yaong aking isinulat ay totoo.
At muli, pinapayuhan ko kayo na kayo ay lumapit kay Cristo, at manangan sa bawat mabuting kaloob, at huwag humipo ng masamang kaloob ni ng maruming bagay.
At gumising, at bumangon mula sa alabok, O Jerusalem; oo, at isuot mo ang iyong magagandang kasuotan, O anak na babae ng Sion; at palakasin mo ang iyong mga istaka at palawakin ang iyong mga hangganan magpakailanman, upang ikaw ay hindi na malito pa, upang ang mga tipan ng Amang Walang Hanggan na kanyang ginawa sa iyo, O sambahayan ni Israel, ay matupad.
Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan; at kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo; at kung sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos kayo ay ganap kay Cristo, wala kayong dahilang magtatwa sa kapangyarihan ng Diyos.
At muli, kung sa biyaya ng Diyos kayo ay ganap kay Cristo, at hindi itatatwa ang kanyang kapangyarihan, kung magkagayon kayo ay pinabanal kay Cristo sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, sa pamamagitan ng pagbubuhos ng dugo ni Cristo, na siyang nasa tipan ng Ama tungo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan, upang kayo ay maging banal, na walang bahid-dungis.
At ngayon, ako ay namamaalam sa lahat. Ako ay malapit nang magtungo sa kapahingahan sa paraiso ng Diyos, hanggang sa ang aking espiritu at katawan ay muling magsama, at ako ay matagumpay na madadala ng hangin, upang kayo ay tagpuin sa harapan ng nakalulugod na hukuman ng dakilang Jehova, ang Walang Hanggang Hukom ng kapwa buhay at patay. Amen.