At ngayon ako, si Moroni, ay hindi isusulat ang pamamaraan ng kanilang mga sumpa at pakikipagsabwatan, sapagkat ipinaalam sa akin na mayroon nito sa lahat ng tao, at mayroon nito sa mga Lamanita. At ang mga ito ang naging dahilan ng pagkalipol ng mga taong ito na kung sino ngayon ay sinasabi ko, at gayon din ng pagkalipol ng mga tao ni Nephi. At anumang bansa ang magtataguyod sa mga gayong lihim na pakikipagsabwatan, upang makakuha ng kapangyarihan at makinabang, hanggang sa lumaganap ang mga ito sa buong bansa, masdan, sila ay malilipol; sapagkat hindi pahihintulutan ng Panginoon na ang dugo ng kanyang mga banal, na padadanakin nila, ay laging dumaing sa kanya mula sa lupa, upang maghiganti laban sa kanila, at gayon man hindi niya ipinaghihihganti sila.
Kaya nga, O kayong mga Gentil, karunungan sa Diyos na ang mga bagay na ito ay ipaalam sa inyo, nang sa gayon kayo ay makapagsisi ng inyong mga kasalanan, at huwag pahintulutan ang mga nakamamatay na pakikipagsabwatan ay manaig sa inyo, na itinatag upang makakuha ng kapangyarihan at makinabang—at ang gawain, oo, maging ang gawain ng pagkalipol ay darating sa inyo, oo, maging ang espada ng katarungan ng Diyos na Walang Hanggan ay babagsak sa inyo, tungo sa inyong pagbagsak at pagkalipol kung pahihintulutan ninyong mangyari ang mga bagay na ito.
Kaya nga, inuutusan kayo ng Panginoon, na kapag nakita ninyo ang mga bagay na ito na naitatag sa inyo na kayo ay magising sa pang-unawa sa inyong kakila-kilabot na kalagayan, dahil sa mga lihim na pakikipagsabwatang mapapasainyo; o sa aba niyon, dahil sa dugo nila na mga napatay; sapagkat sila ay dumadaing mula sa alabok upang maghiganti rito, at gayon din sa mga yaong nagtatag dito.
Sapagkat ito ay mangyayari na sinuman ang magtatatag nito ay naghahangad na ibagsak ang kalayaan ng lahat ng lupain, bansa, at bayan; at papapangyarihin nito ang pagkalipol ng lahat ng tao, sapagkat ito ay itinatag ng diyablo, na siyang ama ng lahat ng kasinungalingan; maging ang yaon ding sinungaling na luminlang sa ating mga unang magulang, oo, maging ang yaon ding sinungaling na siyang naging sanhi na makagawa ng pagpaslang ang mga tao mula pa sa simula; na siyang nagpatigas sa mga puso ng mga tao kung kaya’t pinaslang nila ang mga propeta, at pinagbabato sila, at itinaboy sila mula pa sa simula.
Samakatwid, ako, si Moroni, ay inutusang isulat ang mga bagay na ito upang ang kasamaan ay mawakasan, at upang dumating ang panahon na si Satanas ay mawalan ng kapangyarihan sa mga puso ng mga anak ng tao, bagkus ay mahikayat sila na patuloy na gumawa ng kabutihan, upang sila ay makarating sa bukal ng lahat ng kabutihan at maligtas.