Tinapos ni Moroni ang Aklat ni Mormon

Ang Layunin ni Moroni sa Pagsusulat

Mormon 9:30–31

Si Moroni ay nagsasalita na parang siya ay nagsasalita mula sa mga patay—nalalaman niya na ang kanyang mga salita ay mailalabas, at umaasa na ang mga ito ay hindi hatulan dahil sa kanilang mga kahinaan.

Masdan, nangungusap ako sa inyo na parang ako ay nangungusap mula sa patay; sapagkat alam kong mapapasainyo ang aking mga salita. Huwag ninyo akong hatulan dahil sa aking kahinaan, ni ang aking ama, dahil sa kanyang kahinaan, ni sila na naunang sumulat sa kanya; kundi magbigay-pasalamat sa Diyos na kanyang ipinaalam sa inyo ang aming mga kahinaan nang inyong matutuhan na maging higit na matatalino kaysa sa amin noon.

Mormon 9:35–37

Ang mga bagay na ito ay isinulat upang dalhin ang mga tao sa kaalaman kay Cristo, na ang kanyang mga tipan ay maisakatuparan.

At ang mga bagay na ito ay nasulat upang ang aming mga kasuotan ay maalisan ng dugo ng aming mga kapatid, na nanghina sa kawalang-paniniwala. At masdan, ang mga bagay na ito na aming ninais hinggil sa aming mga kapatid, oo, maging ang kanilang pagbabalik sa kaalaman kay Cristo, ay alinsunod sa mga panalangin ng lahat ng banal na nanahanan sa lupain. At nawa ay ipagkaloob ng Panginoong Jesucristo na tugunin ang kanilang mga panalangin alinsunod sa kanilang pananampalataya; at nawa ay maalaala ng Diyos Ama ang tipang kanyang ginawa sa sambahayan ni Israel; at nawa ay kanyang pagpalain sila magpakailanman, sa pamamagitan ng pananampalataya sa pangalan ni Jesucristo. Amen.