Nakakita ako ng isang pangitain, kung saan nalaman ko na ang Jerusalem ay nawasak na; at kung tayo ay nanatili sa Jerusalem tayo rin ay nangasawi. Datapwat, wika niya, sa kabila ng ating mga kahirapan, ay ating natamo ang isang lupang pangako, isang lupaing pinili sa lahat ng ibang lupain; isang lupaing tinipan sa akin ng Panginoong Diyos na lupaing mamanahin ng aking mga binhi. Oo, ipinagtipan sa akin ng Panginoon ang lupaing ito, at sa aking mga anak magpakailanman, at gayon din sa lahat ng yaong ilalabas sa ibang bansa ng kamay ng Panginoon.
Anupa’t, ako, si Lehi, ay nagpopropesiya alinsunod sa pamamatnubay ng Espiritu na nasa akin, na walang ibang makapaparito sa lupaing ito maliban kung sila ay dalhin ng kamay ng Panginoon. Kaya nga, ang lupaing ito ay inilaan para sa kanya na siya niyang dadalhin.
At kung mangyayari na kanilang paglilingkuran siya alinsunod sa mga kautusang kanyang ibinigay, ito ay magiging lupain ng kalayaan sa kanila; anupa’t, hindi sila kailanman madadala sa pagkabihag; kung magkagayon man, ito ay dahil sa kasamaan; sapagkat kung ang kasamaan ay lalaganap ay susumpain ang lupain ng dahil sa kanila, ngunit sa mabubuti, ito ay pagpapalain magpakailanman.
At masdan, ito ay karunungan na ikubli muna ang lupain sa kaalaman ng mga ibang bansa; sapagkat masdan, maraming bansa ang sasakop sa lupain, kung kaya’t hindi magkakaroon ng pook na ipamamana. Samakatwid, ako si Lehi, ay nagtamo ng isang pangako, na habang yaong mga ilalabas ng Panginoong Diyos sa lupain ng Jerusalem ay sumusunod sa kanyang mga kautusan, sila ay uunlad sa ibabaw ng lupaing ito; at sila ay ikukubli mula sa ibang mga bansa, upang ang lupaing ito ay mapasakanila.
At kung mangyayari na kanilang susundin ang kanyang mga kautusan sila ay pagpapalain sa ibabaw ng lupaing ito, at walang sinumang manliligalig sa kanila, o kaya’y aagaw ng lupaing kanilang mana; at sila’y makapaninirahan nang ligtas magpakailanman.
Datapwat masdan, kung dumating ang panahon na sila ay manghina sa kawalang-paniniwala, matapos na kanilang tanggapin ang gayong kalaking pagpapala mula sa kamay ng Panginoon—na taglay ang kaalaman ng paglikha ng mundo, at ng lahat ng tao, nalalaman ang dakila at mga kagila-gilalas na gawa ng Panginoon mula sa paglikha ng mundo; na may kapangyarihang ibinigay sa kanila upang magawa ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng pananampalataya; sa pagkakaroon ng lahat ng kautusan mula pa sa simula, at sa pagkakadala sa pamamagitan ng kanyang walang hanggang kabutihan dito sa natatanging lupang pangako—masdan, sinasabi ko, na kung dumating ang araw na kanilang itatakwil ang Banal ng Israel, ang tunay na Mesiyas, ang kanilang Manunubos at kanilang Diyos, masdan, ang mga kahatulan niya na makatarungan ay sasapit sa kanila.
Oo, kanyang dadalhin ang mga ibang bansa sa kanila, at ipagkakaloob niya sa kanila ang kapangyarihan, at kanyang kukunin sa kanila ang mga lupaing kanilang pag-aari, at sila ay kanyang ikakalat at parurusahan. Oo, habang ang isang salinlahi ay pumapalit sa isang salinlahi, magkakaroon ng mga pagdanak ng dugo, at masisidhing kaparusahan sa kanila; kaya nga, mga anak ko, nais kong inyong tandaan; oo, nais kong inyong pakinggan ang aking mga salita.